I miss the tapsilog in Rodics. Minsan kumain kami ng bespren ko, nakalimutan naming magbayad. Hinabol kami ng tindera at sa sobrang hiya namin, sobra ang naibayad namin.
I miss the isaw sa may shed lagpas lang ng unti sa Shopping Center sa may likod/gilid(?) ng Kalayaan; yung squid balls sa may cafeteria sa Vinzon's; ang lasagna sa Gloria's sa CASAA at ang sinigang na baboy sa cafeteria ng ISSI kung saan nagbabayad ng tuition fees; pati na rin ang arroz ala Cubana sa...ano nga ba yung pangalan ng isa pang cafeteria sa likod ng CASAA, malapit na sa Educ?
Miss ko na din ang KNL (Krus na Ligas) kung saan madaming beer at inihaw na tengang baboy; ang BBQ at laing sa Beach House - na walang beach - sa likod ng Main Lib; ang piniritong pork chop ni Manang Eds sa shed sa gilid ng Educ, halos tapat ng Narra; o ang fried chiken at ginisang Baguio beans ni Manang Let sa shed sa pagitan ng Kamia at Sampa; miss ko na ang kape at pandesal sa Balara, pati na rin ang nilagang baka na regular na handa sa mga maliliit na karenderia sa kahabaan ng daan, lagpas lang sa mini-palengke, na laging may libreng senorita na saging sa sampung pisong tanghalian.
Miss ko nang magmuni-muni sa paanan ni Andres Bonifacio sa Vinzon's Hall o ang matulog na dyaryo lang ang kumot sa kalawakan ng Sunken Garden, matapos ang isang gabing kantahan cum bonfire/inuman kasama ang mga kaibigan.
Buo at buhay pa kaya ang LBH? Ang Lorena Barros Hall na pugad nga aming mga overnight meetings, pabrika ng nga silk-screen posters/banners.
Miss ko na ang makipag-meeting sa mga kapwa dormers sa tapat ni Oble. Ang matulog sa OSR (Office of the Student regent) sa pinagtabi-tabing silya.
Miss ko na ang tumambay habang nagyoyosi ng walang humpay kausap, kabiruan, ka-chorus ang mga tropang hindi malilimutan. Ang sumulat sa logbook ng Soro o org at makipagkulitan sa bulletin board.
Kahit ang Stacks room ng Main Lib kung saan masarap matulog, at ang Guerrero Theater kung saan madalas manood ng mga plays at ang Film Center na may palabas na pelikula mula sa iba't-ibang bansa, miss ko din sila.
Miss ko na ang tinapay na ang tawag ay "putok" na bandang alas diyes ng gabi isinisigaw sa intercom ng Kamia...."putok, nandito na" at dagli namang tatangkilikin ng mga nag-aaral or gising pang mga dormers. Maging ang yosing benta ni Manang Salve, guard ng Kamia at ang mga kwento sa buhay na kasama sa pagbili nito ay miss ko na rin.
Sa dami ng nami-miss ko siguro kelangan ko pa ng mas maraming kape. Eh kung mag-tsa-a kaya ako?
No comments:
Post a Comment